Home Page

A is for Anj

Daydream Illusion

Sentihan

Freefall

Tales

Randomness

Makiling Dayz

Pulang Lobo

Surreality

Sentihan Blues


Untranslatable Filipino sap. Apologies to American viewers, there is no way I will be able to translate this... (Well, maybe when someone can find an equivalent English term for "pang-ilan" -how manyth? ^__^)


Takipsilim

Paalam, liwanag.
Muling babalutan ng ginaw ang aking kaluluwa
Tatakpan ang aking mga mata
Mangangapa ako sa dilim nang walang gabay
Bakit hindi mo kayang talunin ang gabi?
Bakit hindi maaaring agawin ang panahon sa kalungkutan?
Paalam, liwanag
Nakataya ang ngiti ko ay sa pag-asang
Muli kitang matatanaw,
Sapagkat dala ng gabi ang paglimot
Ngunit kasama ng muli mong pagkasilang
Ang muling paggunita ng kahapon.



Hindi Natin Alam

Tignan mo ako nang mabuti
Yakapin mo ako nang mahigpit
Maaaring sa muli nating pagtatagpo,
Sa iyo ko na lang masisilayan
Ang anino ng dati kong sarili
Ngayon pa lang, nagdadalamhati na ako,
Dahil hindi natin alam...
(Minsan, malupit ang kapalaran)
Maaaring sa susunod,
Hindi mo na ako makikilala
O patay na ang pagnanais na muli tayong magkakilala pa.


Pamamaalam

Sa pagtahak mo ng landas ng hinaharap
Baunin mo ang rosas na ito
Nakapaloob sa kanyang mga talulot na bughaw
Ang mga alaalang
Nilikha ng kahapon,
Nilikha ng samahan ng tubig at lupa.
Ingatan mo ang bulaklak.
Pinitas sa kanyang tahanan at
Dahang-dahang matutuyo
Kasama ng paglipas ng panahong
Hindi maibabalik.
Hindi mo man mapipigil ang pagkalagas ng kanyang mga dahon
O ang pagkupas ng kanyang pagkabughaw
Nakatanim pa rin sa puso
Ang alaala ng kanyang kagandahan.
Sa muling pagtatagpo ng ating mga daan,
Siguro...
Sana
Mabigyan kita ng panibagong rosas.